Kung ikaw ay nagpositibo sa HIV, narito ang pahina na makatutulong sa iyo upang maunawaan ang ilang gamot at mga suporta na pwede mong makuha.
Tinutugunan ang HIV sa pamamagitan ng kombinasyon ng mga gamot na tinatawag na antiretroviral therapy (ART). Ang ART ay hindi lunas o gamot. Sa halip, kinokontrol nito ang virus sa iyong katawan nang hindi na dumami para mapahaba pa ang iyong buhay, maging malusog at maging produktibo. Binabawasan din nito ang posibilidad na makahawa ka sa iba.
Ang kombinasyon ng mga gamot ay iniinom araw-araw sa itinakdang oras upang maiwasan ang pagkalat ng HIV sa iyong katawan. Kung iniinom mo ang ART, kahit ikaw ay nananatiling may HIV, pinapababanito ang dami ng virus sa iyong katawan at pinapalakas nito ang iyong katawan upang makaiwas sa ibang karamdaman.
Gayundin, iniiwasan nito na maisalin mo ang HIV sa iyong partner. Mas konting virus, mas maliit ang tsansa na maisalin ito sa iba. Kaya importante ang ART sa iyo at sa mga taong mahalaga sa’yo.
Ang ART ay nakababawas ng posibilidad na makahawa ng sakit na HIV subalit hindi nito inaalis ang posibilidad na makahawa pa rin. Gayundin, hindi ka pinoproteksyunan ng ART na mahawaan ng iba pang strain ng HIV, at STIs gaya ng syphilis, gonorrhea, chlamydia na maaaring magpa-kumplika sa iyong paggagamot. Kahit ikaw ay nasa ilalim ng ART, makabubuti na gumamit din ng iba pang proteksyon gaya ng condom, waterbased lubricants at magpasuri para malaman kung ikaw ay may STIs.
Iba-iba ang mga gamot at kombinasyon nito. Depende ito sa iyong sitwasyon. May mga gamot na pwede sa iba at hindi naman hiyang sa iyo. Kaya kailangang makipag-usap sa duktor kung ano ang makabubuti sa iyo.
Noong mga nakaraan, may ilang matinding side effects ito pero ngayon, kadalasang hindi na gano’n katindi ang side effect ng ART. Nawawala rin ang side effects makalipas ang ilang araw o isang buwan. Ang kadalasang side effects ay:
- Anemia
- Pagdurumi
- Pagkahilo
- Pagkapagod
- Sakit ng ulo
- Pagsusuka
- Pananakit ng ilang bahagi ng katawan
- Pamamantal
Kung makaranas ng side effects, huwag itigil ang gamot. Kausapin ang duktor at maaaring ibahin ang kombinasyon ng iyong gamot.
Kung mas maaga mong sisimulan ang gamutan, mas makabubuti ito para sa iyong kalusugan. Habang sinusunod mo ang itinakdang pag-inom ng gamot, napoproteksyunan mo rin ang iyong partner. Sa pamamagitan ng Philhealth, libreng makukuha ang halagang P30,000 na package ng antiretroviral medicine at blood test.
Kung ikaw ay nasa ilalim ng ART, kailangan mong sundin ang pag-inom nito araw-araw at sa itinakdang oras. Kung madalas kang makalimot, maaaring dumami ang virus at hindi na ito makuha ng gamot dahil ang virus ay nagiging “resistant” o hindi na tinatablan ng gamot. Kapag nagkataon, kailangang palitan ang kombinasyon ng iyong gamot.
Inumin ang nakalimutang gamot sakaling maalala mo ito pero kung dalawang (2) oras na lang ay iinom ka na muli ng gamot, huwag mo nang inumin ang nalimutang gamot at inumin na lang ang kasunod. Hindi rin pwedeng pagsabayin ang dalawang gamot ng isang inuman.
Sa mga Filipino maaring kumuha ng gamot sa HIV sa mga ospital/klinika na ito, kadalasan sila ay isinasanguni sa pinaka-malapit sa treatment center sa lugar nila.
Para sa mga hindi Filipino na nais magkaroon ng HIV treatment sa Pilipinas, kinakailangan na mayroon silang Philhealth account o kailangan nilang isangguni sa kanilang sariling HMO o kaya universal healthcare provider.
Ang ART ay libre sa halat ng miyembro ng PhilHealth, pwede ka rin makakuha ng ART kahit wala pang PhilHealth, bastat siguraduhing mag pa-rehistro sa mga susunod na araw.
Kung pipiliin mo na magpagamot sa pribadong klinika o kaya pribadong ospital, libre lamang ang ART, ngunit, may karagdagang gastusin sa mga serbisyong pang-laboratoryo (e.g. blood chemistry, chest x-tray, atbp.
Ang ART ay habambuhay na gamutan kaya importante na piliin mo ang angkop na gamutang kakayanin mo sapagkat kailangan mong isaalang-alang ang habambuhay na bayarin.
Alalahanin mong hindi mo kailangang sarilinin ito. Maaari mong ibahagi ito sa iyong kaibigan bago mo ito sabihin sa iyong pamilya. Kailangan mo itong sabihin sa iyong pinagkakatiwalaan at makauunawa sa iyo sapagkat ang pagwawalang bahala rito ay maaaring magpalala ng iyong sitwasyon. Kung gusto mong may makausap, may mga organisasyon ding makatutulong sa iyo dito sa Maynila. Makatutulong ang pakikipag-usap sa iba na may ganitong karamdaman upang madali mong matutunan at malaman ang iyong magiging karanasan.
-
Pinoy Plus Association Inc.
Address: 1805 Pedro Guevarra Street, Sta. Cruz, Manila, Philippines
Contact Number: (02) 743 7293
Email: pinoy.plus@yahoo.com.ph or plus.pnoy1@gmail.com
Facebook: https://facebook.com/pinoyplus -
Positive Action Foundation Philippines, Inc. (PAFPI)
Address: Bahay Kanlungan Center 2615 Dian St., Malate, Manila, Philippines 1004
Contact Number: (02) 404 2911 or (02) 528 4531s
Email: positiveactionfoundation@yahoo.com
Facebook: https://facebook.com/pinoyplus -
The Project Red Ribbon Care Management Foundation, Inc. (TRR)
Address: Unit 607 Lumiere Suites, #21 General Capinpin Street, Barangay San Antonio, Pasig City
Contact Number: 09196429286, 09771312046, 09063892402, 09178990473, 09162162066
Email: contact@projectredribbon.org
Web: http://pozziepinoy.blogspot.com -
Yoga For Life Foundation
Contact Number: 09179546325
Email: yogaforlife.ph@gmail.com
Web: http://www.yogaforlife.ph